Gupit Binata
Barbers. Gupit pambata. Gupit binata.
Lahat ng iyan ay kayang gawin ng paborito
kong barbero o manggugupit. Kahit noong limang taong gulang pa lamang ako ay
alagang-alaga na niya ang buhok ko. Maliban sa magagandang shampoo kagaya ng
sunsilk at palmolive na madalas gamitin sa akin ng nanay ay sinisiguro rin ng aking barbero ang
palagian kong pagpapagupit sa kanya.
Magugulat na lamang ako
minsan isang umaga ay bibihisan ako ng nanay ko. Mag-aayos din ang nanay at
matapos nito ay tutunguhin namin ang isa sa pinakasikat na barberya sa lugar namin
sa Morning Breeze Subdivision, Caloocan. Iyon ang Elite Barbershop na
tinatawag ng mga taga-roon na ‘Elayt’.
Doon sa barberya ay maghihintay ang Lolo
ko. Oo, dahil siya ang pinakapaborito kong barbero. Aayusin niya ang mga gamit
na kakailanganin niya para sa ikagaganda ng aking itim na itim na buhok. Siya
si Mang Brix.
“Anong gupit ang gusto mo?”
Ito ang lagi niyang tinatanong sa akin.
Dahil wala pa akong kamuwang-muwang noong limang taon pa ako, madalas ang nanay
ko ang sasagot. May sasabihin ang nanay na klase ng gupit na hindi ko na
matandaan kung ano iyon. Limang taong gulang pa lamang ako pero naalala ko kung
gaano katyaga ang Lolo ko sa paggugupit.
Labintatlong taon na ang nakakalipas noong
lisanin naming ang Caloocan at manirahan ditto sa West Fairview, Quezon City.
Ngunit tuwing binabalikan ko ang Morning Breeze Subdivison sa Caloocan ay
sisiguraduhin kong daraan ako sa Monserat Street kung saan nakatindig pa rin
ang barberya na pinapasukan noon ng aking Lolo.
Tuwing
lilingon ako sa barbeya na iyon ay nagbabalik sa akin ang ala-ala kung paano
niya ako gupitan. Pinauupo niya muna ako sa isang maliit na bangkito na
ipinatong niya sa isang barber’s chair na umiikot at nakapirmes. Sisiguraduhin
niya muna na nakatapat ang aking mukha sa malaking salamin sa harapan ko.
Lalagyan niya ng tissue ang palibot ng aking leeg at tsaka niya isusukob sa
aking katawan ang parang isang kapa na kulay puti. Matapos nito ay iipitan niya
ang kapa sa likod ng aking leeg.
Isasaksak niya na ang razor at sisimulan
na ang kanyang paggupit sa akin. Ito ang madalas kong katakutan. Natatakot ako
sa tunog ng razor. Kung minsan ay kailangan niya akong hawakan sa ulo para
hindi ako gumalaw at hindi raw pumangit ang gupit niya sa akin. Ngunit malikot
talaga ako. Kaya naman pinagagalitan niya ako at ako naman ay tuluyang iiyak
nang napakalakas. Tatawa lamang siya habang nakadungaw ang ilang dumaraan sa
katabi naming salaming bintana.
Kapag matagumpay na niya akong nagupitan ay
sasabihan niya ako, “O, ayan gupit binata na ang apo ko.” Napapaisip ako noon kung ano ang ibig sabihin ng gupit
binata. Palagi niyang sinasabi iyon pagkatapos ang gupitan. Marahil para mapagaan ang loob ko mula sa kaiiyak. Pero
kahit ganoon ay umiiyak pa rin ako.
Espesyal din ang araw na iyon para sa akin. Matapos
ang gupitan ay dadalhin ako ng Lolo ko sa labas ng barbeya. Sa tabi kasi nun ay
may nagtitinda ng Siomai at maiinit na Lomi.Bibili siya ng isang mangkok ng
Lomi at limang pirasong siomai. Bibili siya sa mamang nakakariton ng ilang
pirasong mangga. Matapos ay matyaga niya akong susubuan ng maiinit na sabaw ng
lomi at siomai habang ako ay ngasab nang ngasab ng isang hinog na mangga.
Pagkatapos ay sisimulan niya ang pangaral sa akin. Sinasabihan niya ako na
laging sumunod sa magulang ko at huwag daw gagalitin sila Mama at Papa. Kahit
limang taong gulang pa lamang ako ay ikinintal na niya ito sa akin.
Dahil madalas na kasama ko ang
Lolo, marami akong mga bagay na natutunan sa kanya. Malaki nga ang naging
impluwensya niya sa akin. Ang simpleng pagbibigay sa mga nangangailangan. Ang
pagpapahiram ng laruan sa mga kaibigan. Ang pagsunod sa magulang sa lahat ng
oras. Ngunit higit sa lahat ay ang pagbibigay importansya sa mga biyayang
ibinibigay ng Maykapal. Kaya nagtataka ang mga tita at tito ko dahil kapag
kumakain daw ako ay para akong aso, simut na simut. Lahat ng ito ay dahil sa
Lolo ko.
Tuwing maaalala ko ang mga
pangaral na ito sa akin ng Lolo ay naiisip ko na malaki ang atraso ko sa kanya.
Hindi ko man lang siya napasalamatan. Madalas ay takot pa ako sa kanya. Minsan
ay mas naaalala ko ang pagkurot niya sa aking singit, ang kunot niyang noo, at
ang pagsipol niya sa akin para umiwi. Pero madalang kong maalala ang masasayang
araw na ginugulo niya sa akin. Kung tutuusin, malaki ang naging papel ng Lolo
ko sa aking buhay. Siya kasi ang tumayong ikalawang tatay ko na. Siya ang
nagpuno ng mga bagay na hindi na naibibigay minsan ng tatay ko. Espesyal
talaga ang relasyon ng isang apo at ng Lolo niya.
Inis pa rin ako sa sarili ko. Noong yumao kasi siya ay isang beses
lamang kami nakapunta sa burol niya. Noong dinungaw ko ang kanyang kabaong,
naalala ko ang mga araw na ginugol niya sa akin na hindi ko lamang nagawang
masuklian. Hindi ko man lang natumbasan ang mga iyon. Apat na taon na ang
lumipas nang magpaalam si Lolo sa akin. Apat na taon ko na rin namimiss ang mga
pangaral niya sa akin. Apat na taon ko na rin hinahanap-hanap ang kanyang gupit
binata para sa akin. Pero sa apat na taong ito, ay hindi ko nakakalimutang
dumaan sa Monserat Street kapag dumadalaw kami sa Caloocan. Doon ay nakikita ko
na nakatindig pa ang Elite Barbershop na kapag lumilingon ako ay parang
nakikita ko sa malaking salamin na bintana ang isang matanda habang ginugupitan
ang isang isang bata na umiiyak sa barber’s chair. Kapag ganoon ay hindi ko
mapigilan ang pagpatak ng aking mga luha.
Comments
Post a Comment