Ice Kendi
"Anak ng teteng naman yan!", ang pasigaw na sabi ng Tatay ni Etang. Galit na galit. Wala na namang kasing almusal sa maliit nilang mesa. Hindi na rin bago kay Etang ang bagay na ito. Lagi naman siyang nasisigawan ng kanyang ama'ng wala naman kwenta at kung meron man iyon ay maglasing lang. Kasabay ng init ng panahon ang init ng ulo ng kanyang ama.
"Lumabas na po si Inay, para po maglaba. Pagbalik niya ay nangako siya ng masarap na almusal. Ang sagot ni Etang. Biglang dumaan ang tren. Ang palatandaan ng mga taong alas-diyes na. "Pusang-gala..bakit di man lang nag-iwan ng kung anong makakain? Alam namang may tao dito di ba?", sagot ng kanyang ama.
Hindi na pinansin ni Etang ang kanyang ama. Nagpatuloy siya noong araw na iyon. Naghanda para sa pagpasok sa eskwela. Lumabas at naghanap ng sako. Nagbihis at nagpatuloy sa kanyang pangangalakal. Sa kahabaan ng riles ng tren ay sinubukan niyang maghanap ng bote o kung anuman na pwedeng ibenta. Kasama ang kanyang mga kaibigan, tila napawi na ang kanyang bigat na dala-dala sa kanilang tawa't halakhak. Pilit na tinatakasan ang madilim na mundo ng kanilang pamilya.
Sa bawat segundo ng kanilang paghahanap, tila malabo na rin na makabenta ng kahit kalahating kilong kalakal. Ito na rin ang nakasanayan nila sa pang-araw-araw nilang pamumuhay. Pare-pareho lang silang mga bata sa riles ng tren. Walang iniisip. Basta ang sa kanila ay may mailaman sa sikmura.
Oras ng umuwi. Oras ng kumain. Oras ng pumasok sa eskwela. Nagmadali si Etang na tila may hinahabol... Sa kanyang kamay ay ang diyes pesos na kinita sa umagang pangangalakal."Baaaaggggg....!" Sambulat sa kanya. Di pa man siya na kakapasok ng bahay ay nakita niya na ang mga gamit na nagliliparan sa kanilang tahanan. Nag-aaway na naman kasi ang kanyang nanay at tatay. Syempre, simpleng bagay lang...ang pambili ng alak na ilalaman niya sa kanyang sikmura.
Dala-dala ni Etang ang diyes pesos at ibinigay agad sa ina ang otso at mabilis na itinago ang dos pesos na pambaon sa isang araw na pasok.
Dating gawi na naman para kay Etang. Papasok na kumakalam ang sikmura. Nakasuot ng butas na blusa at tangan-tangan ang plastik bag na ang laman ay mga bulok at gula-gulanit na aklat na kanyang pinagtiyatiyagaan para lamang matuto. Maglalakad siya ng pagka-haba-haba sa ilalim ng tirik na araw. Papasok sa klase ng huli at titiising makipagsisikan sa upuang dapat sa dalawa lamang. Maswerte pa nga siya dahil hindi pa butas at gegewang-gewang ang kanilang upuan. 'Di tulad ng iba nagtitiis sa upuan.
Nagsimula na ang klase. Pumasok ang guro nila para sa unang asignatura. Ito ang ayaw nilang lahat ang isang oras na leksyon mula sa guro nila sa matematika. Nasa ika-apat na baitang pa lamang si Etang. Hirap pa siyang umintindi ng ingles. Isang oras na naman ng klase para sa mga numero. Sakit ito hindi lamang sa kanyang ulo pati na rin sa kanyang sikmurang kumakalam.
Habang nagka-klase ay sinusubukan ni Etang na patayin ang oras sa pamamagitan ng pagguhit sa likod ng kanyang kakapirasong papel na hiningi niya mula sa kanyang kaklase. Ganito ang gagawin niya hanggang matapos ang klase.
Recess na...tumunog na ang bell ng eskwela. Dali-daling lumabas ang mga estudyante para bumili ng makakain. Kahit ano basta may mailaman lamang sa kanilang sikmura. Makikita ang pagtitiis sa kanilang mga mata habang nilalasap ang mga mamisong tsitseriya. Ito lamang ang mailalaman nila sa kanilang kumakalam na sikmura.
Habang ang iba ay nagpapakasaya sa pagkain, mas pinili na lamang ni Etang na manahimik sa isang sulok habang naghihintay sa oras ng kanilang susunod na klase. Minamasdan ang mga batang puno ng halakhak sa harap ng kanilang mga pagkain. Sa loob niya ay ang paghihinagpis sa klaseng buhay na meron siya at ang kanyang pamilya. Iniisip niya minsan kung bakit nangyayari sa kanya ang mga ganoong bagay. Dahil na rin sa dami ng kanyang gabundok na problema, minsang naisip na rin niyang magpakamatay. Sa mga problemang hindi naman dapat pasanin ng isang dose-anyos na bata.
"Hapi Bertdey!," biglang may sumigaw sa likod niya. Isang grupo ng mga batang gusgusin din. Mga kaibigan yun ni Etang na hindi na pumapasok sa paaralan. Hirap kasi sa buhay. "Paano kayo nakapasok dito?", ang tanong ni Etang sa mga kaiibigan. "Madali lamang, doon kami sa likod dumaan. Inakyat namin ang pader.", sagot ng isang batang maliit....Napangti si Etang. Hindi nga niya naalala ang kanyang kaarawan noong araw na iyon. Mainit na naman. Lumakad ang grupo ng mga bata patungo sa lilim ng isang matandang puno ng mangga at saka doon ipinagdiwang ang kaarawan ng kanilang kaiibigan na si Etang.
"Nakakahiya naman sa'yo te...ito lang ang nadala namin",wika ng isang batang lalaki at inilabas ang isang piraso ng lollipop. Masaya na si Etang sa ganitong regalo. Taon-taon ganito ang gawain nilang magkakaibigan. Nagbibigayan sa kung ano'ng kakarampot ang meron sila. Para sa mga batang ito, ang kanin ay mahalaga...ang hotdog ay ginto...at ang fried chicken ay milagro. Minsan lamang kasi sila makatikim ng ganoong klaseng pagkain.
Oras na para sa susunod na klase. Nagpaalam na si Etang sa kanyang mga kaibigan sabay tungo sa loob ng silid-aralan. Naupo siya ng tahimik. Pilit na sinasangayunan ang kakaibang daloy sa loob ng silid. Nakaupo na siya ng tahimik. Binalatan ang lollipop at isinubo sa kanyang naglalaway na bibig. "Woooooohhhhhh", hiyawan ng kanyang mga kaklase sabay awit ng "Maligayang bati." Kahit wala sa tono ay sige pa rin ang mga ito sa pag-awit. Naroon rin ang guro niya na umaawit.
Natapos din ang ganoong senaryo. Minsan lamang iyon sa buhay ni Etang. Minsan lamang din iyon. Palagi kasi siyang nabubuhay sa pantasya habang pinipilit niyang ikubli ang sarili sa isang katauhang gustong-gusto niya.Nagpatuloy pa rin ang klase. Sumunod na ang mga mabibigat para sa kanya. Ngunit sinusubukan niyang intindihin ang mga aralin upang kahit papaano ay may maintindihan siya.
Kinuha niya ang kanyang kaisa-isang kwaderno at sumulat ng mga dapat niyang aralin para sa pag-uwi. Pinilit niyang tandaan ang mga ito habang nag-aantay para sa pag-uwi. Minamasdan niya ang kagandahan ng paglubog ng araw sa maliit na bintana ng silid. Pinilit na inuunawa ang naroon habang nangangarap na naman siya ng gising.
Oras na para umuwi. Nagpatuloy na si Etang sa paglalakad. Mag-isa niyang binaybay ang kahabaan ng riles ng tren. Unti-unti na ring lumulubog ang araw. Alas-singko na ng hapon. Tinatanaw pa ni Etang ang daan patungo sa kanilang munting tahanan....nangangarap na may daratnang mabuti.
Walang tao sa bahay.....walang ingay na maririnig...at higit sa lahat walang pagkain sa lamesa...Dahan-dahang pumasok si Etang sa loob ng kanilang maliit na bahay. Mabilis na naggayak sa sarili at naghanap ng makakain. Kumakalam na naman ang kanyang sikmura sa gutom. Matapos ang mahabang klase at paglalakad ay ganito lamang ang kanyang madadatnan.
Lumabas si Etang at nagpasyang hanapin ang ina upang manghingi ng panghapunan...Patakbo-takbo...Hihihingalin....at sandaling hihinto. Matapos ang dalawang minuto ay magpapatuloy sa paghahanap sa kanyang ina para manghingi ng pagkain.
Nadatnan niya ang nanay niya na hawak ang isang manipis na bareta'ng panlaba sa kanilang kapit-bahay na sampung bahay ang layo. Kumukuskos na naman ang ina niya para sa pangkain niya mamaya. "Inay gutom na po ako. Umuwi na po tayo," ang anyaya ni Etang. "Sandali na lamang anak. Patapos na ako", sagot ng kanyang ina, kasabay ng pagbanlaw nito sa huling damit at saka isinunod ang pagsasampay.
Matapos nito ay inabutan na ang ina ni Etang ng isandaang piso para sa kalahating araw na paglalaba. May ngiti na masisilayan sa mga labi ni Etang. Makakain na naman kasi siya ng isang masarap na pagkain. Hindi nga lamang ganoon kagarbo.
*****************************
Masarap na naman ang ulam sa
mesa. May maiinit na sabaw. May puting kanin at isang masarap na hiwa ng
manok. Pagsasaluhan ito ng mag-ina habang wala pa ang tatay ni Etang.
"Nasaan ang tatang?", tanong ni Etang. "Naroon at nagtatrabaho daw, ayaw
naman niyang umuwi para sa hapunan, may tinatapos raw sila ng mga
ka-trabaho niya", sagot ng kanyang ina na tila may kasamang pagdududa.
"Naalala niyo po ba ang raw na ito?," tanong ng Etang....Tila wala
namang imik ang kanyang ina. "Parang wala namang espesyal", sagot ng ina
ni Etang na pilit itinatago ang surpresa para kay Etang.
Bago... Bago ang bag na binigay
ng kabigan ng ina ni Etang. Sa totoo lamang ay awang-awa siya para kay
Etang na wala'ng ibang hiniling kundi magkaroon ng bag para sa pagpasok
nito sa eskwela. Tumayo ang ina ni Etang at akmang tutungo sa lugar na
kinalalagyan ng kanyang surpresa. Humigop ng sabaw si
Etang...napakalakas...tila malungkot dahil akala niya na hindi naalala
ng ina ang araw na ito. "Tapos na po ba kayo? Ako na po ang magliligpit
nitong pinagkainan natin", sambit ni Etang.
Inayos ni Etang ang mga plato sa
lamesa at inilagay sa lababo para mahugasan na....Sumalok siya ng tubig
na nasa timba...inisa-isa ang lahat ng huhugasan at tsaka
nagpatuloy..."Siguradong wala po kayo'ng naalala?", ang makulit na
tanong ni Etang habang binabanlawan ang mga nahugasan na. Walang imik
ang ina. Inaayos ang surpresa para kay Etang.
Matagumpay na natapos ni Etang ang paghuhugas ng plato...
"Hapi bertdey 2 u
Hapi bertdey 2 u
Hapi bertdey, hapi bertdey
Hapi bertdey 2 u"....
Ang awit ng ina ni Etang...Nabigla si Etang sa sambulat ng ina sabay yakap nito sa kanya. Iniabo na ng ina ang bag para kay Etang. "Salamat po, inay" wika ni Etang ng may malaking ngiti sa mga labi at dama ang saya sa kanyang mga mata.
Natapos na rin ang ganoong senaryo. Natulog na ng hapong iyon ang ina ni Etang. Naalala ni Etang ang dos pesos na natira niya. Lumabas ito para bumuli ng kung ano mang pwedeng kukutin. Maiinit na naman...Nakalubog na ang araw habang tila walang hangin na balak dumaan sa lugar.
"Ice Candy-P2.00 isa"....Nakita ni Etang ang isang karatula. Maiinit ang buong maghapon na lumipas. Kaya naman si Etang napilitang bumili ng magpapalamig sa kanya. "Pabile....Ice kendi isa po!" tawag ni Etang sa tindera habang dinudukot ang dalawang piso sa bulsa ng kanyang salawal. Iniabot niya ito sabay hablot sa malamig na ice kendi.
Sinimulan na ni Etang na sipsipin ang ice kendi. Malamig. Bahagyang napawi ang init na dama ni Etang. Habang naglalakad ay sinubukan niyang lasapin ang sarap ng ice kendi. Naglakad-lakad si Etang sa riles ng tren. Nag-isip-sip siya. Naisip niya na ang buhay ay parang ice kendi. Kung hahayaan mo itong matunaw, hindi mo na kailan man malalasap ang sarap na dulot nito.
Napagpasiyahan ni Etang na dumalaw sa kaibigan na nasa kabilang gilid ng riles. Kailangan pa niyang tumawid sa riles. Tatawid na si Etang. Hawak ang malamig at kalahati ng ice kendi.
Biglang nagbago ang paligid. Naguluhan na si Etang sa nangyari. Nandilim ang kanyang mga mata. Ang tanging bagay na lamang na naririnig niya ay ang sigaw ng mga tao. Nahagip si Etang ng tren kasama ang kanyang ice kendi. Pumalibot ang mga tao na tila nakikiusyosyo. Tinitigan lamang si Etang. Pumikit na si Etang habang natunaw na ang ice kendi....
Comments
Post a Comment