Kalendaryo
Magdaan ang mga araw habang tumatakbo ang oras. Magdadaan ang
taglagas at malalaglag ang mga dahon sa puno. Lilipas ang kahapon,
ngayon at bukas at ninipis ang kalendaryo. Sa bawat hibla ng memorya at
sa bawat kapiraso ng ala-ala hindi maiiwasan ang pagdaan ng mga araw.
Kung susumahin ang tao ay nabubuhay na kasama ang kalendaryo at sa
bawat mga araw na naririto ay ang mga marka ng masayang kahapon. Sa oras
na mawala ang mga araw...sa oras na palipasin ni Juan dela Cruz ang
kanyang mga araw, hindi ito kagaya ng isang puno na mapapalitan ng
laging lunti at malagong dahon. Ang araw man niya ay mapilitan maaring
hindi na ito kasing saya ng kahapon.
Isa...
Dalawa...
Tatlo....
Maaring sa ating pagbilang ay
ang ating mga mithiin na mapahaba pa ang ating kinabukasan. Ang pag-asam
sa magandang bukas...Ang minimithing magandang bukas... Ngunit tila
hindi ramdam ng iilan sa atin na tumatakbo ang mga oras. Nagbibilang ang
araw...Numinipis ang kalendaryo.
Apat...
Lima...
Anim...
Ganito ang buhay ni Juan dela
Cruz. Nakasadlak sa kahirapan habang tila kandilang nauupos ang kanyang
ala-ala. Pero sa kanyang dibdib ay tangan-tangan niya ang masayang
ala-ala. Pagod...Panglaw...Hirap...Ito si Juan dela Cruz. Patuloy sa
pagbilang. Patuloy sa paghihintay sa inaasam na magandang
buhay...positibong pagbabago. Paanong hindi niya ito maasam kung siya
ngayon ay patuloy ang pagkayod sa karagatan ng basura, bundok ng mga
gumuhong pangarap.
Pito...
Walo...
Siyam....
Patuloy ang pagbibilang ni
Juan dela Cruz at kasabay nito ay ang natatanging solusyon sa kanyang
kumakalam na sikmura: "Isang kahig, Isang tuka"...Ganito ang buhay niya.
Kuntento sa kung ano ang nasa mesa. Habang ang iilan ay nagpapakasasa
sa nagtatabaang karne na puno ng kolesterol, si Juan ay maiiwang may
laman ang tiyan kahit kakarampot. Walang reklamo, walang pagdadabog,
walang paghihinagpis... Ngunit patuloy sa pag-aasam na pagbabago.
Sampu...
Matatapos sa pagbibilang si
Juan dela Cruz. Dala ang pagod ng buong araw. Magpapahinga sa mga
dayami. Walang alam kung may bukas pang dadatnan. Walang alam sa
pagpapatuloy ng kanyang KALENDARYO....

Comments
Post a Comment