Saksak Puso, Tulo Dugo: Ginuhit na alaala ng Hostage Drama


Sa loob ng isang Segundo, kaya niyang kumitil ng buhay ng isang langgam. Sa loob ng isang minuto, kaya niyang kumatay ng isang manok ngunit sa loob lamang ng isang maghapon, nakapatay siya ng walong katao.
        Ito marahil ang umiikot-ikot sa isip ng bawat Pilipino. Maaaring ang tao sa likod ng pagpatay sa Quirino Grandstand ay ito rin ang laman ng isip. Kung hindi sana napagkaitan ng pangangailangan ang lalaking ito, hindi niya mauuwi sa isang karumal-dumal na krimen ang naganap-isang madramang hostage na nagsanhi sa ilang mga tao na iyakan sa harap ng telebisyon at papakin o pag-piyestahan man ng ilan sa makukulit na media.
       Sino kaya ang maglalakas loob na balikan ang mga pangyayaring ito? Ang pangyayaring nagbahid ng pagdududa sa isang mapayapang relasyon ng Pilipinas at Tsina. Isang pangyayaring ikinasuklam ng ilan sa mga banyaga. Isang pangyayari na nagsanhi sa iilang Pilipino na talikuran ang kanilang sariling kalahi.
      Alas syete ng umaga ng lumarga ang bus ng mga Hongkong Nationals upang maglibot at tanawin ang kagandahan ng Pilipinas. Paglilibang at kasiyahan ang habol ng mga singkit na mata na dumudungaw at nanlalaki sa tanawin ng Maynila. Ngunit isang lalaki na tila may masayang ngiti sa kanyang labi ang kumaway at maamong nakisakay sa engrandeng bus. Noong una, animo’y Masaya siya sa loob ng bus.
Isa.
Dalawa..
Tatlo…
      Biglang nag-iba ang ihip ng hangin nang magdeklara ang lalaki ng hostage. Namilog ang mga singkit na mata ng mga banyaga dala ng takot at kaba. Ang masayang ngiti sa mukha ng lalaki ay napalitan ng isang nakakangingilabot na ngiti na animo’y desperado sa isang bagay.
Apat….
Lima…..
Anim……
Pito…….
          Ikapito ng gabi. Tahimik ang paligid at matatanaw ang maliwanag ngunit maputlang sinag ng buwan. Dumarampi ang nananamlay ngunit malamig na bugso ng hangin at sa bawat tahanan ang mga pamilya ay nakasadlak sa harap ng telebisyon. Tila isang Free Movie Premier ng isang sikat at pamosong pelikula ang tinututukan ng mga maliliit at malalaking mata. Ang balitang hostage na parang kanina lamang ay naririnig sa radio ay ngayon pinapapak na ng mga tsimoso at tsimosang Pilipino ngunit sa likod man nito ay may malaking pangambang nagkukubli.
Walo……..
Siyam………
          Nagsimula na ang tunay na aksyon. Dumating na ang mga astiging pulis upang magpasikat…este….rumespunde. Sunud-sunod na alingawngaw ng baril ang narinig at sa bawat pagputok ay kasabay ang dalangin ng bawat tao na sana’y walang nasakatan. Kung hindi naman ay mamatay.
Sampu……….
       Asintado ang pagkakabaril at pagkakalupig sa lalaki. Kumalat ang kanyang dugo kasabay ng pagkalat ng kanyang nanunurpresang pangalan-Rolando Mendoza, kasabay ng pagluluksa ng bawat Pilipino.
       Nalaman din ng buong Pilipinas ang marahil naging dahilan niya sa paggawa ng ganoong krimen. Ang makakuha ng Hustisya. Isa siyang Pulis na napag-iwanan ng panahon at tinaguan ng hustisya.
       Sa paglipas ng maraming araw, isa lamang ang natutunan ng bawat Pilipino:
       Ang isang lalaking may dalang baril ay hindi nakakikilala sa kapayaaan, ang puso niya’y naghihirap sa takot at pag-aalinlangan at sa amo’y ng panganib. Hindi tayo liligaya habang ang ating mga kamay ay nagsisikip sa mga sandata.
         Sayang si Rolando Mendoza, isang alaala ng sawing pag-asa, mukha ng sawing pag-asa.

Comments

Popular posts from this blog

Gupit Binata

The Last King of Windsor

Guarding our spiritual diet